Ilang oras na lang bago mag-simula ang halalan, hindi pa rin naisailalim sa final testing at sealing ang 27 vote counting machines sa Lanao del Norte.
Ito ay dahil hinarang ng mga taga-suporta ng kandidato sa pagka-alkalde sa Lanao del Norte na si Dante Batinggolo ng Liberal Party ang paglilipat ng mga vote counting machines (VCMs) mula sa munisipyo patungo sa mga polling precincts.
Sinabi ni 15th Infantry Battalion chief Lt. Col. Leomar Jose Doctolero sa Inquirer na hinarang ng mga taga-suporta ni Batinggolo ang ginagawa nilang paglilipat mula sa munisipyo ng bayan ng Munai.
Ayon pa kay Doctolero, posibleng magkaroon ng gulo o komosyon kapag ipinilit nila ang pagli-lipat.
Gayunman, hindi naman na ma-detalye pa ni Doctolero kung bakit hinaharang ng mga taga-suporta ni Batinggolo ang mga VCMs.
As of 11:30 ng gabi ng Linggo, hindi pa rin makapanayam sa telepono si Munai Commission on Election Officer Mastura Aleola upang ma-kumpirma o malaman ang iba pang detalye sa insidente.
Ani pa Doctolero, kung papayagan na ng kampo ni Batinggolo ang COMELEC na madala na sa polling precincts ang mga VCMs, maihahabol pa ang final testing at sealing nito kahit ilang oras na lang bago ang mismong halalan.