Inanunsiyo ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na wala nang aktibong kaso ng COVID-19 sa mga residente at empleyado sa Subic Bay Freeport Zone.
Kasunod ito ng paggaling sa nakahahawang sakit ng limang residente ng Subic at tatlong SBMA employees matapos sumailalim sa quarantine at treatment.
“For the first time since July last year when Subic Freeport recorded the first positive cases, we can all breathe that much-needed sigh of relief,” pahayag ni SBMA Chairman Wilma Eisma.
Gayunman, hindi aniya dapat magpakampante laban sa virus.
“Remember that we are easing restrictions not because Covid-19 is gone, but because we have to sustain the economy, which has been badly affected by the pandemic,” giit nito.
Matapos isailalim ng Inter-Agency Task Force sa Alert Level 2 status ang Subic, sinabi ni Eisma na naging maluwag ang SBMA sa pagpasok sa Freeport at pinapayagan ang mga batang may edad 14 pababa sa mga parke, iba pang open spaces, at al fresco dining restaurants.
Pwede na rin ang mga senior citizen na may edad 65 pataas sa mga mall, shop, at iba pang enclosed spaces sa mga bakunado.
Ani Eisma, hindi na kakayanin kung magkaroon ng panibagong surge ng nakahahawang sakit.
Kaya naman apela nito, patuloy na sumunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, iwasan ang matataong lugar, physical distancing, at mag-disinfect.
Hinikayat din ng SBMA chief ang mga residente at trabahador sa Subic na magpabakuna upang mabawasan pa lalo na kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Vaccination is our way out of this pandemic, but let us not be choosy about the vaccine brand,” ani Eisma.
Dagdag nito, “As experts say, the best vaccine is the one you get into your arm, and we owe it to ourselves and our community to get vaccinated so that we can help protect each other, begin reviving our economy and start moving on under the new normal.”