Nangangamba si Parish Pastoral Council for Responsible Voting chairperson Ambassador Henrietta “Tita” De Villa sa karahasan na posibleng mangyari sa araw ng eleksyon.
Ayon kay De Villa, sa tagal na panahon na niyang nanunungkulan sa PPRCV, ang eleksyon ngayong taon ay maituturing niyang napaka brutal dahil sa talamak na akusasyon na ibinabato ng mga kandidato sa bawat isa.
Nakakalungkot aniya na ang mga kandidato ngayon ay pinapabagsak ang isa’t isa na posibleng magbunga ng karahasan pagdating ng eleksyon.
“Ang aking kinakatakutan, yung mga posibleng karahasan na mangyari. Kasi magkaroon tayo, sa lahat ng eksperiensiya ko sa 25 years sa PPCRV, parang ito yung eleksyon na napaka brutal. Talamak ang accusations, ang pagpapabagsak sa isa’t isa na nakakalungkot. Eh baka mamaya magbunga ito sa karahasan pagdating ng eleksyon.” ani De Villa.
Nananawagan si De Villa sa lahat ng supporters at maging ang mga botante na huwag nang pahabain pa ang hidwaan at alitan ng mga kandidato.
Iwasan na rin aniya na makisawsaw sa ano mang kaguluhan sa pagitan ng mga kandidato.
Mas mahalaga ani De Villa na isipin nalang ng maigi ng bawat botante kung sino ang iboboto.
Payo din ni De Villa sa mga boboto bukas, iwasan na mainip kung mahaba ang pila at mainit ang panahon at huwag bibitaw hangga’t hindi pa nakakaboto.
“Kaya yung mga supporters, lalong lalo na yung mga botante, pinapaalalahanan ko, okay tapos na yung kampanya. Huwag na natin pahabain pa yung hidwaan, pagkakaalitan. Mga botante wag na tayong sumawsaw sa kaguluhang iyon. Basta ang isipin nalang natin, ang mga kandidatong iboboto natin, yung talagang maganda ang karakter, meron kakayanan at ang katapatan ay matuturing natin na huwaran.” pahayag pa ni De Villa.