Iimbestigahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang hindi pag-aresto kay Jefry Tupas, ang sinibak na information officer ni Davao City Mayor Sara Duterte, sa ikinasang anti-drug operation sa isang beach resort sa Mabini, Davao de Oro noong nakaraang Sabado.
Unang ibinunyag ng mga naaresto na bukod kay Tupas, marami pang kasama sa party ang pinayagan na makauwi ng mga ahente ng PDEA.
Sinabi ni PDEA – Davao Region Dir. Aileen Lovitos na naisampa na nila sa piskalya ang kaso at iimbestigahan nila ang mga alegasyon ng mga kinasuhan.
Inalmahan ng mga naaresto na may 50 katao ang nasa party sa Sea Eagle Beach Resort sa Barangay Pindasan.
Sa ibinahaging impormasyon ng PDEA, 17 lang ang inaresto na pawang tinukoy na high-value targets (HVTs) kabilang ang pangunahing pakay na si Reysan Ethelbert Elizalde.
Narekober sa operasyon ang may P1.5 milyong halaga ng party drugs.
Agad naman sinibak ni Duterte si Tupas nang malaman na dumalo ito sa naturang party.