Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na pinag-aaralan na ang pagpapatupad muli ng ‘number coding scheme.’
Ayon kay Abalos, ikinukunsidera na ibalik ang naturang traffic-reducing scheme tuwing ‘rush hours’ sa umaga at hapon, kung kalian mabigat ang sitwasyon ng trapiko sa maraming lansangan sa Metro Manila.
Aniya kung patuloy na halos magbalik na sa ‘pre-pandemic level’ ang sitwasyon sa mga lansangan, maari aniyang ibalik na nila ang pagpapairal ng ‘number coding’ scheme.
“If traffic continues to worsen, we are looking at the implementation of the number coding but not for the whole day. It will only be during peak hours of the day – 7 am to 9 am and 5 pm to 7 pm,” aniya.
Sinabi pa ni Abalos na oobserbahan muna ng kanilang mga tauhan ang sitwasyon sa mga lansangan at takbo ng mga sasakyan ng dalawang araw bago sila maglalabas ng desisyon.
Higit isang taon nang suspindido ang ‘number coding’ matapos limitahan ang bilang ng mga bumibiyaheng pampublikong sasakyan bunga ng pandemya.