Umapela si House Deputy Speaker at Antique Rep. Loren Legarda sa gobyerno na agad ipatupad ang mga programa laban sa kahirapan.
Sa pagdiriwang ng International Day to Overcome Extreme Poverty, iginiit ng mambabatas na dapat siguraduhin ng administrasyong Duterte ang pagbibigay ng mga kinakailangang tulong sa marginalized sector, lalo na sa gitna ng pandemya.
Base sa datos aniya ng National Economic and Development Authority (NEDA), tumaas sa 18.3 porsyento ang poverty rate sa bansa noong 2020, na katumbas ng humigit-kumulang sa 20 milyong mahihirap na Pilipino.
Ayon sa kongresista, na pangunahing may-akda ng “Magna Carta of the Poor” law, dapat mabigyan ang bawat Pilipino ng mga pangunahing pangangailan tulad ng sapat na pagkain, disenteng trabaho, de kalidad na edukasyon, pabahay at mahusay na healthcare.
Isinulong din ng dating senador na mapondohan ang free college education, universal healthcare coverage, dagdag-pondo para sa social services, libreng irigasyon sa maliliit na magsasaka at pagbubukas ng kabuhayan sa mahihirap na sektor ng bansa.