Election lawyer dinipensahan si Sen. Leila de Lima sa ‘unqualified issue’

Ipinagtanggol ng isang kilalang election lawyer si Senator Leila de Lima sa pagkalat ng mga impormasyon na hindi ito kuwalipikado na sumabak sa ‘senatorial race’ sa 2022 elections.

 

“Iyong nagsasabi na hindi kuwalipikado si Senator Leila de Lima, iyan po ay walang katotohanan aat palagay ko ay paninira lamang iyan sa kanyang kandidatura sa pagka-senador ng ating bansa,” diin ni Atty. Romulo Macalintal.

 

Paliwanag pa ni Macalintal wala naman naghain ng disqualification case laban kay de Lima, na naniniwala na ang ‘online trolls’ ang nagpapakalat ng ‘fake news’ na siya ay diskuwalipikadong sumali sa eleksyon sa susunod na taon.

 

Sinabi pa ng beteranong election lawyer nakakatiyak siya na mababasura ang anumang disqualification case na ihahain laban sa isa sa mga senatorial candidates ng tambalang Leni Robredo – Francis Pangilinan.

 

“Maliwanag pa sa sikat ng araw na si Senator Leila de Lima ay hindi disqualified na tumakbo… Si Senator Leila de Lima, bagamat siya’y nakakulong, siya po ay pwede ninyong iboto at ang inyong boto ay bibilangin po yan… At sasabihin ko pa sa inyo, ako po ay nakahandang magsauli ng aking lisensya bilang abogado kung walang katotohanan itong aking sinasabi,” diin pa ni Macalintal.

 

Read more...