COA 2020 report sa Philhealth hiniling ni Sen. Grace Poe na isapubliko

Sinabi ni Senator Grace Poe na dapat ay ibahagi sa publiko ng Commission on Audit (COA) ang 2020 audit report ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth).

 

Ito, ayon sa senadora, ay para malaman ang estadong pinansiyal ng ahensiya sa pagtalakay ng 2022 national budget.

 

“Kailangan naming malaman kung magkano talaga ang utang ng PhilHealth sa mga ospital at healthcare workers. Dapat itong mabayaran agad at matukoy ng gobyerno kung saan kukunin ang pondo,” katuwiran pa ng senadora.

 

Dagdag pa ni Poe, sa COA report ay malalaman kung epektibong nagagamit ang pondo para sa pagtugon sa mga pangangailangan ng publiko.

 

Una nang nagreklamo at nagbanta ang grupo ng mga pribadong ospital sa bansa na dahil sa hindi pa pagbabayad sa kanila ng Philhealth ay hindi na nila palalawigin pa ang akreditasyon.

 

“Hindi maaaring gumamit ang PhilHealth ng delaying at scare tactics para panghinaan ng loob ang mga ospital na singilin ang utang sa kanila,” sabi pa nito.

 

Read more...