Sen. Bong Go sinabing ang publiko ang maghuhusga sa ‘war on drugs’

Iginiit ni Senator Christopher Go na tanging ang mamamayan lamang ang maaring humusga ukol sa epekto ng ‘war on drugs’ ng administrasyon.

 

Sa pagtatanggol niya sa ikinakasang kampaniya laban sa droga, sinabi ni Go na bumuti naman ang peace and order situation sa bansa at nararamdaman ito sa mga komunidad.

 

“Tanungin natin ang mga kababayan natin kung nakakalakad ba sila ng ligtas sa gabi. Tanungin natin ang mga trabahante, lalo na ang mga OFWs, kung panatag sila na ligtas ang kanilang mga anak habang sila ay nagtatrabaho sa malalayong lugar. Tanungin natin ang mga magulang kung naging mas maayos ba ang kanilang pamilyang dating winasak ng iligal na droga,” diin ng senador.

 

Banggit niya, base sa datos mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa simula ng administrasyong-Duterte P64.09 bilyong halaga ng mga droga at kagamitan ang nasamsam.

 

Bukod pa dito, 893 laboratoryo ang winasak at 22,858 sa 42,045 barangay na ang itinuturing na drug-free.

 

Sa kabuuan, 307,521 drug criminals ang naaresto at nailigtas naman 3,922 sa mga anti-drug operations.

 

“Kaya hindi tayo titigil at gagawin natin ang lahat upang ipagpatuloy ang kampanyang ito at mabigyan ng mas ligtas, maunlad at komportableng buhay ang ating mga anak,” pagtitiyak ni Go.

 

 

Read more...