PPA, iginiit na hindi bagong requirement sa truckers ang pagkuha ng CA at PTO

PPA Facebook photo

Iginiit ng Philippine Ports Authority (PPA) na hindi na bagong requirement sa mga trucker ang pagkuha ng Certificate of Accreditation (CA) at Permit to Operate (PTO).

Kasunod ito ng pagtanggi ng ilang trucker sa kabila ng pagpapatupad ng “No Permit, No Service” policy sa mga pantalan sa bansa simula noong November 1, 2021.

Nakasaad sa PPA Memorandum Circular (MC) 19-2021 na kailangang magkaroon ng truckers ng CA at PTO upang makapag-transaksyon sa port terminals.

Ayon sa ahensya, ilang trucker ang hindi nakatalima sa naturang requirement noon at pinaraya na lamang.

Ngunit, nagdulot ito ng sari-saring problema sa mga port terminal, partikular sa operasyon ng colorum trucks.

Pagdidiin ng PPA, July 2021 pa lamang ay inabisuhan na ang trucking operators ng ahensya, port terminal operators, Asian Terminals, Inc. (ATI) at International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) na hindi papayagang makapag-operate sa Port of Manila ang walang valid CA at PTO simula sa October 16, 2021.

Ngunit noong October 14, 2021 matapos ang talakayan ng mga representante ng ilang trucking operators, pinalawig ng PPA ang deadline hanggang October 31, 2021.

“PPA even relaxed the accreditation and permit requirements by allowing the mere submission of an accomplished application form, with supporting documents to be submitted no later than Dec 31, 2021,” pahayag ng ahensya.

Dagdag nito, “PPA even offered a maximum 50% discount on the permit fees if the trucking operator will register for a permit with a validity period of 3 years.”

Sa datos hanggang October 31, 75 porsyento ng lahat ng trucking operators sa Port of Manila ang nakasunod na sa accreditation at permit requirements.

May ilan ding nagrereklamo sa pagkakatanggal sa PPA MC 19-2021 ng mandatory requirement ng membership sa isang trucking organization bago makakuha ang trucking operator ng CA at PTO.

“PPA is of the position that requiring mandatory membership in a trucking organization before being issued a PPA permit has no legal basis and only adds more burden on the part of the trucking operators,” saad ng ahensya.

Dagdag nito, “Such a requirement only contributes to additional red-tape and is contrary to the policy of providing ease of doing business.”

Read more...