Nahuli ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Puerto Princesa at Aborlan Bantay Dagat ang isang commercial fishing boat at dalawang maliliit na bangka sakay ang 57 mangingisda dahil sa illegal fishing sa bahagi ng Aborlan, Palawan araw ng Huwebes, November 4.
Matapos matanggap ang intelligence report, agad rumesponde ang mga awtoridad at naaktuhan ang mga mangingisda sa ilegal na operasyon.
Ginamit ng mga mangingisda ang improvised air compressors, na paglabag sa Republic Act (RA) 10654 o Philippine Fisheries Code of 1998 dahil nahuhuli rin nito ang maliliit na isda.
Naglabas ang mga awtoridad ng Enforcement Inspection Apprehension Report (EIAR) at Certificate of Orderly Inspection (COI) na natanggap ni boat captain Gregorio Argulles Abong at sinundan ng safety inspection kung saan natagpuan ang ilang ebidensya.
Dinala ang fishing boats sa bahagi ng Barangay Apurawan para sa inventory ng mga nakumpiskang paraphernalia at ilegal na nakuhang isda.
Inihahanda na rin ang mga dokumento para sa isasampang kaso.
Sa ngayon, nananatili ang mga mangingisda fishing boats, at iba pang paraphernalia sa kustodiya ng Command Out Post (COP) Apurawan, habang nai-turnover na ang mga nahuling isda sa barangay captain ng Barangay Apurawan.
Siniguro ng PCG na kaisa sila sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa paglaban sa illegal fishing activities sa bansa para isulong ang pag-aalaga sa Philippine marine ecosystem.