Lacson, Sotto tutol na sa death penalty

Tutol na sina Senators Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa pagpapatupad ng death penalty sa bansa.

Sa “Meet the Press” media forum, Huwebes ng umaga (November 4), ipinaliwanag ng dalawa kung bakit nabago ang kanilang pananaw ukol sa parusang kamatayan.

Ayon kay Lacson, namulat ang kaniyang kaisipan nang timbangin kung ano ang mas importante; ang mailigtas ang buhay ng isang inosenteng na-convict o mag-execute sa totoong nagkasala.

“Sa tingin ko, mas matimbang na ma-save ‘yung buhay ng wrongly convicted [person]. So nagbago ‘yung aking pananaw. Iwi-withdraw ko ang aking nai-file na bill,” pahayag ng Presidential aspirant.

Isinalaysay naman ni Vice Presidential candidate Sotto na ang nakabuo sila ng mas makabubuting solusyon kaysa sa death penalty kung paano magpapataw ng parusa sa mga convicted criminal.

Unang binanggit ang panukalang pagtatayo ng piitan sa kada rehiyon kapalit ng National Bilibid Prison sa Muntinlupa.

Base kasi aniya sa mga pag-aaral, mapapasama ang preso sa mga gang kapag hindi nabibisita ng kanilang pamilya o mahal sa buhay.

Ipapanukala rin aniya nila ang pagtatayo ng kulungan na katulad ng Alcatraz para doon habang-buhay pagsisisihan ng mga high-level drug trafficker at heinous criminal ang kanilang pagkakasala.

Ang Alcatraz ay isang maximum-security penitentiary sa isang isla sa Amerika.

Ayon sa Senate President, maging si dating House Speaker at ngayo’y Partido Reporma president Pantaleon Alvarez ay suportado ang naturang plano.

Sinabi pa aniya ni Alvarez na may naisip na siyang isla para sa panukala.

Maliban dito, ibinahagi rin nina Lacson at Sotto ang kanilang mga plataporma sakaling manalo bilang presidente at bise presidente sa 2022 national elections.

Read more...