Inihayag ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na plano niyang magpatayo ng imprastraktura para sa malinis at renewable energy oras na makabangon mula sa pandemya ang bansa.
Unti-unti aniyang magtatayo ng solar, hydroelectric, at geothermal energy infrastructure sa buong bansa.
“Magproduce tayo ng marami pang kuryente na di nakabase sa coal, na di nakabase sa krudo. Marami namang mga geothermal. Marami namang mga dam na pwedeng i-build. Clean energy. Solar energy,” pahayag ng alkalde.
Gayunman, sinabi ni Moreno na prayoridad pa rin niya ang pandemic recovery ng bansa sa unang ilang taon ng kaniyang termino sakaling manalo sa 2022 national elections.
“As we build this in the long term, yung immediate, maitawid yung pamumuhay ng tao, yung maitawid lang sa kabilang ilog. Pansamantala lang naman ang lahat ng ito,” ani Moreno.
Dagdag nito, “Pag nakarecover naman na tayo, you know, pwede naman nating manormalize ulit. Pero sa ngayon, kailangan yung bangka wag maputas. Kasi nasa isang bangka lang tayo.”