Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handa ang Directorate for Logistics at iba pang police units na mag-deploy ng air, land at sea assets, at iba pang police resources para sa pagpapadala ng COVID-19 vaccine doses.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang air assets ng pulisya at militar sa pagpapadala ng mga bakuna sa iba’t ibang rehiyon.
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar, nakahanda ang kanilang assets para sa delivery ng mga bakuna sa mga probinsya, lalo na sa malalayong bayan.
“I already directed the Police Regional Directors to coordinate with Local Chief Executives to discuss the logistics of the vaccine delivery. Akin rin silang inatasan na magdeploy ng karagdagang personnel na tututok dito sa deliveries ng bakuna,” pahayag nito.
Simula nang ikasa ang COVID-19 vaccination rollout noong March 2021, tumutulong na ang pambansang pulisya sa pagpapadala ng mga bakuna.
Ani Eleazar, “Kasama ito sa papel na ginagampanan ng PNP sa ilalim ng ating National Vaccination Program, ang tiyaking makararating ng maayos ang mga bakuna sa lahat ng sulok ng bansa, lalo na sa mga liblib na lugar.”
“Bukod sa seguridad at transportasyon, naka-standby rin ang ating Medical Reserve Force para agad ma-deploy kung alinmang mga lokalidad ang kailangan ng tulong para mapabilis ang proseso ng pagbakuna,” dagdag nito.
Ipinag-utos din aniya ang mga police unit na tumulong sa pagpapakalat ng tamang impormasyon ukol sa bakuna laban sa nakahahawang sakit sa pamamagitan ng iba’t ibang social media platform at Oplan Bandillo.
Hinikayat din ang publiko na magpaturok na ng bakuna habang sunud-sunod ang pagdating ng mga suplay nito sa bansa.
“We urge the public to avail of these free vaccines because apart from the strict observance of MPHS, this is our best protection against COVID-19,” saad ng PNP Chief.