70-percent passenger capacity sa road at rail public transport, ipatutupad simula sa Nov. 4

DOTr MRT-3 photo

Mula sa 50 porsyento, ipatutupad na ang 70 porsyentong passenger capacity sa rail lines at ilang public utility vehicles (PUVs) sa Metro Manila at ilang kalapit-lalawigan simula sa Huwebes, November 4.

“Public Utility Buses (PUBs), Public Utility Jeepneys, and UV Express (UVEs) in Metro Manila and nearby provinces in the Metro Manila Urban Transportation Integration Study (MMUTIS) Update and Capacity Enhancement Project (MUCEP) or the provinces of Laguna, Rizal, Cavite, and Bulacan may operate under the approved passenger capacity as a result of the continuous decline in COVID-19 infections and government’s aggressive COVID-19 vaccination roll-out,” saad sa inilabas na Memorandum Circular 2021-064 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong November 2, 2021.

Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyon ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB na ipatupad ang unti-unting pagdagdag ng passenger capacity sa pampublikong transportasyon hanggang sa umabot sa full capacity.

Samantala, nilinaw ng LTFRB na hindi na required ang paglalagay ng plastic barriers sa loob ng jeep, basta’t tiyak ang pagsunod sa physical distancing at health protocols laban sa COVID-19.

“Hindi ‘ho DOTr ang nag-require na magkaroon ng plastic barrier sa pagitan ng mga pasahero ng pampublikong sasakyan gaya ng jeepney. Ang inilabas na protocol ng DOTr noon ay ang pag-install ng plastic barrier upang ihiwalay ang drayber sa pasahero noong tayo ay nasa GCQ noong nakaraang taon,” ani Chairman Delgra.

Paliwanag pa nito, kailangang dagdagan ang passenger capacity sa PUVs dahil sa tumataas na demand sa pampublikong transportasyon kasabay ng pagluluwag ng quarantine restrictions at pagbubukas ng mga negosyo.

Makatutulong din aniya ito upang mabawasan ang epekto ng pandemya at pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa kabuhayan ng PUV drivers at operators.

“The livelihood of public transport drivers and operators was severely affected with passenger capacity in public transport maintained at 50%. Increasing passenger capacity will mean a higher revenue for the public transport sector lalo’t mas marami ng tao ang pinapayagang lumabas. Malaking tulong ito sa ating mga kababayang pasahero at mga tsuper,” dagdag ni Delgra.

Maliban dito, 70-percent passenger capacity na rin ang ipatutupad sa rail public transport.

Sisimulan ang dagdag na passenger capacity sa LRT-1, LRT-2, MRT-3, at PNR sa Huwebes.

Siniguro ng DOTr na mahigpit pa ring susundin ang minimum public health standards para sa kaligtasan ng publiko.

Read more...