Mga kooperatiba, dapat palakasin – Pacquiao

Photo credit: Sen. Manny Pacquiao/Facebook

Inihayag ni Senador at Presidential aspirant Manny Pacquiao na dapat palakasin ang mga kooperatiba sa bansa para magkaroon ng kabuhayan ang mas maraming Pilipino.

Sa pagbisita sa Pinamungajan, Cebu sinabi ng senador na dapat bigyan ng “minimal interest loans” ang mga kooperatiba upang makagawa at makapagbenta ng mga de kalidad na produkto.

Nagbigay si Pacquiao ng P100,000 puhunan sa Lamac Multi-Purpose Cooperative (LMPC) sa bayan ng Pinamungajan.

Mula sa maliit na kooperatiba ng mga magsasaka, umabot na sa P1.8 bilyon ang asset ng LMPC, na pumasok na rin sa lending at investment, retail at farm school.

Ayon sa senador, dapat magsilbing modelo ang LMPC dahil napaunlad nito ang mga miyembrong magsasaka.

“Mula sa grupo ng mga magsasaka ay naiahon nila ang kanilang sarili at napalaki ang kanilang puhunan. Malaki ngayon ang ambag ng kooperatiba para ibangon ang lokal na ekonomiya,” ayon kay Pacquiao.

Maliban dito, hinikayat din ni Pacquiao ang mga kooperatiba na gumawa ng mga produktong panlaban sa pandemya, tulad ng face mask, mga Personal Protective Equipment, alcohol, disinfectant at medical-grade face shields para sa kanila na lamang bumili ang gobyerno at ang pribadong sektor.

Dapat aniyang bigyang prayoridad ang mga kooperatiba para makagawa at mapagkunan ng mga suplay na kinakailangan ng gobyerno.

Read more...