Pormal nang nagharap ng reklamo sa Commission on Elections ang Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) kaugnay sa inilabas ng ABS-CBN na anti-Duterte ads.
Sa kanilang reklamo, sinabi ni VACC Founding Chairman Dante Jimenez na hindi dapat pinayagan ng Comelec ang ABS-CBN na ilabas sa publiko ang anti-Duterte ads na gumamit ng mga bata sa ilang hindi angkop na pananalita at eksena.
Ipinaliwanag ni Jimenez na nagkaroon dito ng kapabayaan ang Comelec dahil sa mga negatibong mensahe ng nasabing TV advertisement.
Sa panig ng poll body, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na walang kapangyarihan ang komisyon na paki-alaman ang laman ng TV ads at lalong wala silang censorship power para idikta sa kung ano ang dapat ilagay sa mga patalastas na lumalabas sa media.
Kinontra naman ni VACC legal counsel Ferdie Topacio ang nasabing pahayag ng Comelec Spokesman.
Sinabi ni Topacio na nasa Comelec ang kontrol para sa lahat ng mga political ads tuwing election season at kasama dito ang pagsunod sa mga alituntunin na nagbibigay ng proteksyon sa mga kabataan.