Sen. Poe, sinabing dapat bayaran na ang drivers sa Service Contracting Program

Inihirit ni Senator Grace Poe sa gobyerno na bilisan ang pagbayad sa transport operators na kinontrata sa ilalim ng Service Contracting Program sa gitna ng pandemya.

Aniya, nagawa na ng operators at drivers ang serbisyo at may nailaan ng pondo kaya’t wala na siyang nakikitang dahilan para hindi pa mabayaran ang mga ito.

“Hirap na ang ating mga kababayan sa transport sector dahil sa pandemya, taas ng presyo ng langis at mahal na bilihin. Hindi na dapat dagdagan ang kalbaryo nila sa pagpapahintay sa bayad na dapat matagal na nilang nakuha,” dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Public Services.

Dapat aniya nakikipag-ugnayan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Land Bank of the Philippines para agad nang nababayaran ang opetrators o drivers.

“Bawat oras na lumilipas ay matagal na paghihintay sa gitna ng kanilang kakapusan,” dagdag pa ng senadora.

Kailangan din aniyang mas marami ng bus, jeep at iba pang uri ng pampublikong transportasyon ang pinapayagan ng bumiyahe dahil nadadagdagan pa ang mga negosyong nagbubukas at dumadami ang mga taong kailangang bumiyahe.

Read more...