Inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade na makatutulong ang mga proyekto sa aviation sector para mapalakas ang turismo at ekonomiya sa Cebu Province.
“What we are doing now in Cebu is creating a platform for a tourism booster,” saad ng kalihim sa inagurasyon ng Corporate Building sa Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA).
Aniya, magiging “good place for business” ang Cebu sa tulong ng development projects sa MCIA at sa tatlo pang paliparan sa probinsya.
Inanunsiyo rin ng kalihim na maaring masimulan ang partial operations ng second runway nito bago ang katapusan ng April 2022 upang mas marami pang eroplano ang ma-accommodate ng MCIA.
Maliban dito, mula sa 1,000 pasahero, target din ng kagarawan na madagdagan ang passenger cap sa para maserbisyuhan ang mga biyahero, returning Overseas Filipino Workers (OFWs), at Filipino seafarers, kasunod ng nalalapit na Kapaskuhan.
Samantala, sinabi ni Tugade na nagpupursige ang DOTr para matapos ang Bantayan Airport, na inaasahang magiging operational sa April 2022.
Nangako rin ang kalihim na mahigpit na tututukan ang pagsisimula ng konstruksyon at pagtatapos ng Camotes Airport sa bayan ng San Francisco at Medellin Airport sa Medellin.