Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government sa lahat ng local government unit sa bansa na paigtingin ang COVID-19 vaccination efforts upang maabot ang 70 porsyentong target na bilang ng fully vaccinated sa total population bago matapos ang taong 2021.
Sa NTF-DILG-DOH-LGU meeting, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na nais ng gobyerno na 70 porsyento ng total population ang nakatanggap na ng first dose ng COVID-19 vaccine sa pagtatapos ng Nobyembre at 70 porsyento ng total population ang fully vaccinated sa pagtatapos ng Disyembre.
“Now that we have around 40 Million doses sent to the provinces, we need to immediately jab these vaccines to the general population; thus we need the LGUs to double their efforts. As they say this is now “Vax to Max!. Lets have a truly Merry Christmas this year,” pahayag ng kalihim.
Sa datos hanggang October 24, umabot na sa 55,71 milyong doses ng bakuna ang naiturok sa bansa, kung saan higit 30 milyong indibiduwal ang nakakuha ng first dose at higit 25.71 milyon naman ang fully vaccinated na.
Hinikayat din ni Año ang mga probinsya na ipamahagi sa mga lungsod at munisipalidad ang suplay ng bakuna sa loob ng tatlong araw simula nang matanggap ito upang hindi maaksaya.
Dapat aniyang maiturok agad ng mga lungsod at munisipalidad ang bakuna sa loob ng 15 araw mula nang maipadala ito.
Saad ng kalihim, “Now that we have a steady supply of vaccines, we need to ensure the timely distribution and administration of available vaccines not only to prevent wastage of resources but also to achieve population protection by year-end.”
Mahigpit din nitong ipinaalala ang paglaban sa vaccine wastage.
Sakaling magkaroon ng insidente ng kapabayaan o pagkawalang-bahala, mahaharap aniya sa imbestigasyon at parusa ang mga empleyado ng LGU.
Ayon pa kay Año, mahalagang maunawaan ng mga LGU ang national policies, “We need to strategically prioritize areas with high economic activities to recover faster from this pandemic.”
Dapat din aniyang bumuo ang mga LGU ng epektibong LGU Risk Communication Plan upang matugunan ang vaccine hesitancy, lalo na sa mga malalayong lugar.
Dagdag nito, kailangang tiyakin ng LGUs ang maayos na record submission para matutukan ang vaccine accomplishments at daily vaccination performance sa bansa.