Sa pamamagitan ng sulat, sinagot na si Senator Leila de Lima ni Justice Secretary Menardo Guevarra ukol sa misteryosong pagkakabura ng mga legal opinions mula 2011 hanggang 2016 sa website ng Department of Justice.
Wala naman ibinigay na dahilan si Guevarra sa pangyayari at maaring ‘oversight’ lamang ang nangyari.
Sinabi pa ni Guevarra na wala naman mapapala ang DOJ sa pagkakabura ng mga legal opinions na pinirmahan ng senadora noong siya pa ang kalihim ng kagawaran noong 2011 hanggang 2016.
Pinasalamatan naman ng kalihim ang senadora at ipinarating nito sa kanya ang pangyayari.
Nangako ito na ibabalik na ang mga naalis na legal opinions sa DOJ website.
Magugunita na sumulat si de Lima kay Guevarra para iparating ang pagkakawala ng mga pinirmahan niyang legal opinions, na aniya ay mistulang sadyang binura ang ‘traces’ ng kanyang paglilingkod sa ilalim ng administrasyong-Noynoy Aquino.