Welcome sa Department of Transportatio (DOTr) ang inilaang P1 bilyong pondo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bilang fuel subsidies.
Layon nitong masuportahan ang transportation sector sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Tiniyak ng DOTr sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) na ang inilabas na pondo alinsunod sa Section 82 ng TRAIN Law ay ipamamahagi bilang cash grants sa mga kwalipikadong Public Utility Vehicles (PUV) drivers para sa nalalabing buwan ng taong 2021.
Makatatanggap ang kwalipikadong PUV drivers ng cash grants sa pamamagitan ng sistemang itinatag sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng LTFRB, kung saan ilalagay ng Landbank of the Philippines deretso sa cash cards ng mga drayber.
Ayon pa sa DOTr, napapanahon ng fuel subsidies kasunod ng nakatakdang pagdepensa ng kagawaran sa kanilang panukala sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na dagdagan ang passenger capacity sa mga pampublikong transportasyon sa National Capital Region at iba pang parte ng bansa na nakasailalim sa mas maluwag na quarantine levels.
Dagdag nito, kaisa sila sa iba pang ahensya ng gobyerno sa paghahanap ng mga paraan at hakbang upang mapanatili ang kabuhayan ng mga apektadong drayber at operator sa transport sector, lalo na sa gitna ng pandemya.