Umabot na sa mahigit P4.7 bilyon ang kabuuang halaga na naipamahagi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga tsuper at operators na kabilang sa Service Contracting Program.
Parte ito ng payout at insentibo sa ilalim ng Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover as One Act at General Appropriations Act (GAA).
Ayon sa LTFRB, hanggang June 30, 2021, umabot sa P1,907,192,708 ang kabuuang kabayaran at insentibo sa mga tsuper at operator sa Service Contracting Program Phase I, habang P2,289,506,007 naman ang naipamahagi mula September 13, 2021 hanggang October 23, 2021.
Sa ilalim naman ng Service Contracting Program Phase II, mahigit P539,672,859 na ang naipamahagi ng ahensya mula September 13, 2021 hanggang October 23, 2021.
Tiniyak ni Transportation Secretary Art Tugade na magpapatuloy ang naturang programa sa bansa.
“Inaanyayahan namin ang mga drayber at operator na lumahok sa Service Contracting program, na kung saan babayaran sila ng gobyerno on a per kilometer run basis habang sinisiguro na mananatiling viable ang kanilang pagpapasada. Malaking tulong ‘ho ito para tuluy-tuloy ang kita sa gitna ng pandemya,” pahayag ng kalihim.
Samantala, sinabi rin ng LTFRB na umabot sa 53,226,651 ang kabuuang ridership ng ‘Libreng Sakay’ para sa sa medical frontliners, authorized persons outside of residence (APORs) at iba pang essential workers.