PNP, mahigpit na magbabantay sa mga sementeryo sa Undas

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit nilang babantayan ang mga sementeryo sa bansa sa panahon ng Undas.

Kasunod ito ng kautusan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na pagsasara ng lahat ng sementeryo simula October 29, 2021 hanggang November 2, 2021.

Pinaalalahanan na ni PNP Chief Guillermo Eleazar ang mga pulis na maging handa sa inaasahang pagpunta sa mga sementeryo, memorial parks, o kolumbaryo ng mga indibidwal na nais mabisita ang mga yumaong mahal sa buhay sa weekend.

“Inaasahan natin ang maagang pagbisita ng ating mga kababayan sa kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay. Inatasan ko ang ating kapulisan na maging alerto at siguraduhing nasusunod ang ating minimum health standards,” ani Eleazar.

Dapat aniyang matiyak na walang mangyayaring super spreader event sa mga sementeryo.

Hinikayat nito ang publiko na istriktong sundin ang health and safety protocols.

“Tandaan lang sana natin na kailangan pa rin ang ibayong pag-iingat upang makaiwas sa pagkakahawa sa COVID-19,” paalala nito.

Read more...