Karapatan ng bawat mamamayan na malaman kung anong bakuna ang ituturok sa kanilang katawan.
Ito ang ipinagdiinan ni Sen. Leila de Lima bilang reaksyon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na paghalu-haluin ang pamamahagi at pagtuturok ng COVID-19 vaccines.
Aniya, hindi ito katanggap-tanggap dahil ang pagpili ng vaccine brand ay personal at hindi maaring ipuwersa ng mamamayan.
Dagdag pa niya, karapatan din ng sinuman kung ayaw o gusto niya na mabakunahan.
Hindi na aniya kasalanan ng taumbayan kung naging atrasado ang administrasyong Duterte sa pagbili ng mga bakuna dahil umasa sa China.
“Napaka-iresponsable na tanggalin sa tao ang karapatan nilang pumili ng ituturok sa kanilang katawan. Pandemya man o hindi, hindi pa rin pagmamay-ari ng estado ang katawan ng bawat Pilipino. Ang bawat mamamayan pa rin ang pipili kung ano ang ituturok sa kanyang katawan, hindi ang estado, lalong lalo na hindi si Duterte. Huwag niyang ipasa ang masamang resulta ng kanyang pagpapabaya sa pagbili ng bakuna sa mamamayan,” sabi pa ni de Lima.