Mobile internet speed sa Pilipinas bumilis pa

Patuloy ang pagbilis ng internet speed sa Pilipinas noong nakaraang buwan, base sa Ookla Speedtest Global Index.

Ngunit, ayon pa rin sa Ookla, bumagal naman ang broadband speed.

Nakapagtala ang Pilipinas ng pagtaas sa mobile internet speed na 3.73 porsiyento sa bilis na 35.03Mbps kumpara sa 33.7Mbps na naitala noong nakaraang Agosto.

Sa broadband naman ay naitala ang 71.85Mbps noong Setyembre mula sa 72.56Mbps noong Agosto.

Sinabi ng National Telecommunications Commission (NTC) na ang naitala noong Setyembre ay 808.34 porsiyento na pagbuti kumpara noong 2016.

Bunga nito, umangat ng isang antas ang Pilipinas, mula sa ika-73 ay ika-72 na ang bansa sa 138 bansa sa buong mundo sa mobile internet speed at pang-64 sa 181 bansa sa fixed broadband.

Sa ASEAN, pang-lima ang Pilipinas kapwa sa mobile internet at fixed broadband speed.

Ayon sa NTC ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay bunga ng direktiba ni Pangulong Duterte na bilisan ang pagbibigay ng LGUs ng lahat ng kinakailangan permits sa telcos.

 

Read more...