Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar sa lahat ng unit commander sa National Capital Region (NCR) na dagdagan ang police visibility sa mga lugar na madalas puntahan ng publiko.
Kasunod ito ng pagbaba ng COVID-19 alert sa Metro Manila sa Level 3.
Tugon ang naturang direktiba sa apela ng Department of Health (DOH) na patuloy na sundin ang minimum public health safety protocol matapos dumagsa ang mga tao sa mga simbahan, mall, parke at iba pang destinasyon noong nagdaang weekend.
“Based on the order of our SILG (Secretary of the Interior and Local Government) Eduardo Año, I have already directed our unit commanders in the National Capital Region to increase police presence in all possible areas of destination of our kababayan following the downgrading of alert level in Metro Manila,” pahayag ni Eleazar.
Dagdag nito, “Nauunawaan namin ang pagkabahala ng ating mga kasamahan sa Department of Health at sa medical community patungkol sa mga report na ipinakita kung saan nagdagsaan ang mga tao sa mga pasyalan, malls at iba pang mga lugar noong nakaraang weekend.”
Nababahala ang mga opisyal ng DOH at ilang health expert na posibleng maging kampante ang ilan at samantalahin ang pagluwag ng restrictions sa Kalakhang Maynila.
“Kasama sa aking kautusan ang coordination sa ating mga LGUs sa Metro Manila upang maayos na maipatupad ang minimum public health safety protocols at ibang pang mga restriction na ipapatupad sa NCR,” ayon sa PNP Chief.
Aniya pa, “Natutuwa kami sa PNP na kahit paano ay bumabalik na sa normal ang sitwasyon sa ating bansa subalit hindi dapat maging dahilan ito para tayo ay maging kampante at balewalain ang health safety protocols dahil kung hindi, ang panandaliang kaligayahan na ating nararamdaman ngayon ay mauuwi na naman sa matagal na lockdown.”