Hindi na naitago pa ni Senator Cynthia Villar ang labis na pagkainis sa pagkaka-antala sa mga proyekto na hawak ng Philippine International Trading Corporation (PITC).
Sa deliberasyon ng 2022 budget ng PITC at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), hiningi ni Villar ang paliwanag at mga dahilan sa delay sa mga proyekto ng PITC.
Ibinahagi ng senadora ang kanyang naging karanasan nang pangunahan niya ang Manila Bay clean-up matapos ilabas ang Supreme Court mandamus.
Aniya binigyan ng P400 million budget ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 2016 para bumili ng 178 composting facilities at 25 plastic factories para sa mga lokal na pamahalaan na nakapaligid sa Manila Bay.
Nang mabigo ang DENR na kumpletuhin ang pagbili, ibinigay ang pondo sa pondo, na hanggang ngayon ay hindi pa natutupad ang pangako.
“Why are you so in love with PITC? I cannot understand that. I cannot forget what happened to DENR,” diin ni Villar, na sinabing marami na rin ahensiya ng gobyerno ang may masamang karanasan sa PITC.
Ukol naman sa TESDA, kinamusta nito ang pagkasa ng agricultural training ng ahensiya sa pagsasabing nakakatanggap ito ng P700 milyon mula sa Rice Competitive Enhancement Fund para sanayin ang mga magsasaka sa mga makabagong teknolohiya.
Bukod pa ito aniya sa P200 milyon na nagmumula naman sa Coconut Industry Development Fund para naman sa pagsasanay ng mga nasa industriya ng niyog.