Kabuuang 45,649 safety seal certifications sa 86,159 applications ang naibigay na ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno sa ilang establismento sa buong bansa.
Paliwanag ni Interior and Local Government Usec. Jonathan Malaya nangangahulugan na karagdagang 10 porsiyento ng operational capacity ang ibinigay sa mga establismento.
Ibinahagi pa ni Malaya na 12, 652 sa mga sertipikasyon ang naibigay sa mga negosyo sa Metro Manila.
Sa naturang bilang, 4,152 ang mula sa Department of Trade and Industry (DTI), 1,085 naman ang inisyu ng Department of Tourism (DOT), ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagpalabas ng 541 at 12,154 ang galing sa kanilang kawanihan.
Ang 27,717 sertipikasyon ay galing naman sa mga lokal na pamahalaan.
Paliwanag ng opisyal hindi awtomatikong napapagbigyan ang lahat ng aplikasyon tulad ng 9,794 na tinanggihan sa katuwiran na dapat ay nakakasunod ang establismento sa safety seal guidelines na itinakda ng gobyerno.
Diin niya na napakahalaga ng safety seal certification dahil nagbibigay ito ng karagdagang bilang ng mga kliyente o kustomer na maaring mapagsilbihan sa loob at labas ng establismento.