Inusisa ni Senator Nancy Binay si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary General Isidro Lapeña sa ginagawang paghahanda sa pagbabalik ng ‘face-to-face training’ sa susunod na taon.
Pinagbilinan pa ni Binay si Lapeña na dapat maging agresibo sa pagpapakita sa Inter-Agency Task Force (IATF) na sila ay COVID 19 compliant at nakahanda na sa pagsasagawa ng normal na pagsasanay.
Pagdidiin ng senadora napakahalaga ng physical training dahil aniya marami sa mga kurso at programa ng TESDA ay nangangailangan ng face-to-face training.
“It would be difficult for TESDA not to have face-to-face training. Like for example teaching students to use a welding machine without being able to physically handle one,” katuwiran ni Binay.
Ayon naman kay Lapeña nakahanda na ang kanilang sistema para sa pagkasa ng physical training at nabanggit niya na pinayagan na sila ng IATF na magsagawa ng face-to-face trainings sa 50 porsiyentong kapasidad nang pairalin ang general community quarantine (GCQ).
Nabanggit din ng opisyal na 96.6 porsiyento ng kanilang mga kawani sa central office ay bakunado na, samantalang 77.81 porsiyento naman sa kanilang regional at provincial offices.