Hiniling ni Senator Panfilo Lacson sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bigyan prayoridad ang mga 5th at 6th class municipalities sa Technical Assistance and Resource Augmentation (TARA) program.
Ayon kay Lacson, ito ay para lubos na maging kapaki-pakinabang ang pondo na inilaan para sa nabanggit na programa at mas natutulungan ang mga lubos na nangangailangan na mga lokal na pamahalaan.
“One criterion na naisip ko, i-prioritize siguro 5th and 6th class municipalities kesa 1st class municipalities kasi hindi na siguro kailangan, technically capacitated na sila,” sabi ng senador sa deliberasyon sa Senado ng 2022 budget ng DSWD.
Hiniling din ni Lacson ang paglilinaw ukol sa patuloy na pagbibigay ng technical assistance sa pamamagitan ng TARA program sa 1,240 bayan kada taon simula noong 2015.
Aniya noong siya ang Presidential assistant on Rehabilitation and Recovery, nakapagbigay sila ng technical assistance sa 171 lungsod at bayan na nasalanta ng bagyong Yolanda at ang mga ito ay nakapagtapos sa Development Academy of the Philippines.
Patuloy na isinusulong ng senador ang kanyang adbokasiya na palakasin ang mga lokal na pamahalaan.