Tiniyak ni Senator Christopher Go na nanatiling matindi ang dedikasyon ng administrasyong-Duterte para makamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.
“Importante sa amin ni Pangulong Duterte ang kapayapaan, lalo na sa Mindanao. Wala na po dapat na patayan. Sino ba namang gustong magpatayan Pilipino laban sa kapwa Pilipino? Masakit ‘yon,” sabi ni Go sa pagbisita nila ni Pangulong Duterte sa Islamic City of Marawi.
Kinakailangan aniya na maipagpatuloy ang pagpuprsige na magkaroon ng kapayapaan at kaunlaran sa bawat sulok ng bansa.
Kasabay nito ang panawagan ng senador sa lahat ng kooperasyon at bayanihan para sa pagbangon ng Marawi City kahit nakatutok ang gobyerno sa paglaban sa pandemya.
Sinabi din ni Go na hinaharap din ng gobyerno ang banta ng terorismo at pagtitiyak pa niya na ginagawa ang lahat para magkaroon ng mga oportunidad lalo na sa Mindanao para matuldukan ang isyu ng kahirapan.
“Patuloy po akong magseserbisyo sa mga kapatid natin sa Mindanao upang tuluyang makamit ang inaasam na kapayapaan at kaunlaran hindi lamang para sa mga kababayan nating Muslim kundi para sa buong Pilipinas,” dagdag pa nito.