Itinutulak ni Senator Francis Tolentino ang pagkakaroon ng ‘uniform warehousing and inventory system’ sa mga ahensiya na sangkot sa pagbili ng mga pangangailangan ng mga ahensiya.
Inihain ni Tolentino ang Senate Bill No. 2431 na layon maamyendahan ang RA 9184 o ang Government Procurement Act.
Paliwanag ng senador sa kanyang panukala, magiging mandato na ng Government Procurement Policy Board na magpalabas ng standard operating procedure manual para sa tamang pagtatago ng mga nabiling bagay.
Una nang nanawagan si Tolentino sa Department of Education (DepEd) na makipagtulungan sa Department of Science and Technology (DOST) at sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa pagbuo ng inventory management system para sa mga ari-arian ng kagawaran.
Bukas naman si Education Sec. Leonor Briones sa suhestiyon ng senador at aniya maaring ito na ang maging susi para mawakasan na ang deka-dekada ng problema sa pag-imbentaryo ng kanilang mga ari-arian.