COVID 19 lockdowns posibleng mawala sa Lacson-presidency

Ibinahagi ni Senator Panfilo Lacson na maaring mawala na ang lockdown sa bansa sakaling kapwa palarin sila ni Senate President Vicente Sotto III na manalo sa 2022 elections.

Katuwiran ni Lacson, ang Pilipinas ang may pinakamatagal ng lockdown sa buong mundo at hindi naman nito napigilan ang pagkalat pa ng COVID 19.

Bukod pa aniya, hindi ito nakatulong na makabangon ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa.

“We’re toying with the idea that after June 30, 2022, wala na tayong lockdown kasi hindi nagwo-work ang longest lockdown. Lockdown ng lockdown, hindi nagwo-work. Baka may ibang approach,” sabi nito sa isang news forum.

Dagdag pa nito, kung hindi naman umuubra ang isang pamamaraan para pigilan ang pagkalat pa ng COVID 19 dapat lang aniya na itigil ito.

Sabi pa ni Lacson walang patutunguhan ang lahat kung hindi ‘flexible’ sa ibang pamamaraan, na aniya ay dapat ay science and technologu-based bukod pa sa base sa mga tunay na datos.

Binanggit niya na sa kanila ni Sotto ang mga maaring alternatibo ay epektibong vaccination rollout, pagpapalakas sa mga ospital at tamang paggamit ng pondo ng bayan.

Read more...