Cash aid sa mga magsasaka at mangingisda kailangan na – Sen. Cynthia Villar

Higit P600 milyon ang tinatayang pinsalang idinulot ng bagyong Maring sa sektor ng agrikultura.

 

Bunga nito, sinabi ni Sen. Cynthia Villar na dapat ang agarang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga magsasaka at mangingisda.

 

Sa datos na ibinigay ng Department of Agriculture (DA), 29,063 magasaka at mangingisda ang naapektuhan ng nagdaang bagyo, na puminsala ng 32,882 ektarya sa Ilocos, Cordillera, Cagayan, Central Luzon, Bicol at Western Visayas Regions.

 

Sinabi pa ng namumuno sa Senate Committee on Agriculture, lubhang apektado din ang mga magsasaka ng mababang presyo ng palay, gayundin ng kasalukuyang pandemya.

 

Paalala ni Villar, nakarekomenda sa Cash Assistance for Filipino Farmers Act of 2020, ang anumang halaga na sosobra sa P10-B Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ay awtomatikong ibibigay bilang ayuda sa may 1.67 milyong maliliit na magsasaka sa bansa.

 

Dagdag pa niya ang pagbibigay subsidiya sa mga magsasaka ay nakapaloob din sa Rice Tarrification Law.

Read more...