Naghain ng panukala si Senator Leila de Lima na nagsasabing kinakailangan ang pagsang-ayon ng Senado bago maaring talikuran ng gobyerno sa anumang pandaigdigang kasunduan.
Sa kanyang Senate Bill No. 2346, sinabi ni de Lima na kinakailangan ang pagsang-ayon ng 2/3 ng bilang ng mga senador bago maging epektibo o may bisa ang pag-ayaw ng Pilipinas sa mga pandaigdigang kasunduan.
Paliwanag ng senadora, layon ng kanyang panukala na protektahan ang interes ng sambayana sa pamamagitan ng pagtiyak na naaayon sa Saligang Batas ang pagpasok maging ang paglabas sa anumang tratado.
Noong 2018, idineklara ni Pangulong Duterte ang hindi na pagkilala sa Rome Statute, na sinundan ng pagpapadala ng notice of withdrawal sa International Criminal Court (ICC).
Idinulog ang isyu sa Korte Suprema ng ilang senador at ang desisyon ay kinakailangan ng batas para maharang ang anumang gagawing hakbang ng Ehekutibo sa mga pandaigdigang kasunduan.
“Thus, according to the Supreme Court, a law may be passed to impose Senate concurrence as a condition prior to withdrawal from treaties,” sabi ni de Lima.