Ayon kay Transportation Secretary Art Tugade, kailangang bigyan ng oportunidad na makapagnegosyo at magkaroon ng pagkakakitaan ang transport workers lalo na sa gitna ng pandemya.
“Nakapakalaking bagay para sa mga naghahanap-buhay sa pampublikong sasakyan na magkaroon ng karagdagang kaalaman upang mapabuti ang kanilang serbisyo, o ‘di kaya ay magkaroon sila ng kakayahan sa pagnenegosyo at para sa iba pang pagkakakitaan para makabangon sa gitna ng pandemya,” pahayag ng kalihim sa signing ceremony ng “enTSUPERneur” Memorandum of Agreement (MOA).
Aniya pa, magandang oportunidad ang naturang programa dahil lubos na apektado ang transport workers ng PUV Modernization Program at COVID-19 pandemic.
Nagpasalamat naman si Labor Secretary Silvestre Bello III kay Tugade dahil sa suporta sa naturang programa.
Sa pamamagitan aniya ng “enTSUPERneur”, maaaring magkaroon ng alternatibong pangkabuhayan ang transport workers.
Ayon naman kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III, kahit wala pa ang pandemya, mahalagang bahagi na ng PUVMP ang Social Support Mechanism.
Ang pinirmahang MOA ay alinsunod sa implementasyon ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) para sa mga driver at operator ng pampublikong transportasyon na apektado ng PUVMP bilang resulta ng Local Public Transport Route Planning at ng Route Rationalization.
Base sa kasunduan, ang LTFRB at OTC ang tutukoy sa mga benepisyaryong tsuper, drayber, konduktor, dispatcher, mekaniko, at iba pang transport employees—miyembro man o hindi ng kwalipikadong kooperatiba.
Nakasaad din sa kasunduan na tatanggap ang bawat benepisyaryo ng P30,000 na halaga ng tulong, habang bibigyan naman ng P1 milyon ang group projects.