Apat na taon na nang maganap ang Marawi City siege at ayon kay Senator Sonny Angara panahon na para maitaguyod muli ang mga napinsalang bahay para ganap nang makabangon ang mga residente.
“Though we emerged victorious, there is no such thing as a war without death, damage, or destruction. While up to 1,200 individuals were killed on both sides of the siege, it was estimated that up to P17 billion worth of property and economic opportunities were lost,” sabi ni Angara.
Higit sa 350,000 residente ang labis na naapektuhan ng limang buwan na kaguluhan sa lungsod bagamat ang bilang ay bumaba na sa 126,000 base sa ulat ng United Nations noong Mayo.
Diin ni Angara na ang labis na naapektuhan ay ang mga pangarap at pag-asa ng mga Maranao.
Iniulat ng namumuno sa Senate Committee on Finance na base sa Senate Bill 2420, mabibigyan ng kompensasyon ang mga naapektuhan ng Marawi City siege, gayundin ang mga pribadong ari-arian na winasak para bigyan daan ang Marawi Recovery, Rehabilitation and Reconstruction Program.
Puna ni Angara marami pa rin sa mga napinsalang bahay ay hindi pa naaayos.
“Ito ang tinutumbok ng ating panukalang batas. Walang saysay kasi ang anumang rehabilitasyon ng Marawi kung hindi makakauwi ang mga taga Marawi. At kapag may bayad-pinsala o compensation silang matatanggap para sa property nila na nasira o nawasak, mas meeenganyo silang magsimula at itayo muli ang kanilang buhay sa Marawi,” sabi nito.
Nakasaad sa panukala ang pagbuo ng Marawi Compensation Board para pangasiwaan ang pamamahagi ng kompensasyon sa mga kuwalipikadong benepisaryo.