Pormal na inalok ni Katrina Ponce-Enrile ang sarili na makasama sa mga pagpipilian na maging kinatawan ng unang distrito ng Cagayan sa 2022 elections.
Naghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) si Ponce – Enrile, anak ni dating Senate President Juan Ponce Enrile, sa ilalim ng partido Lakas – CMD.
Ang COC ni Ponce-Enrile ay isinumite ng kanyang abogadong si Atty. Cathleen Cotay dahil naka-isolate ang una matapos ma-exposed sa isang COVID 19 patient.
Sinabi nito na may basbas ng kanyang ama ang kanyang desisyon na lumahok sa papalapit na eleksyon.
Kahit ito ang unang pagkakataon na papasok sa mundo ng pulitika si Ponce-Enrile, hindi naman matatawaran ang karanasan nito sa pamamahala at pakikisalamuha sa mga tao dahil marami sa negosyo ng kanilang pamilya ay siya ang namamahala.
Ilan lang sa maituturing na tagumpay niya ay ang pagpapalago ng kanilang food brand na Delimondo hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa.
Nakapagtapos siya ng kursong Political Science sa University of the Philippines at sa tagal ng kanyang ama bilang pulitiko ay naobserbahan niya ang tamang gawin sa pagbibigay ng serbisyo-publiko.
Nasimulan na niya ang adbokasiyang ‘Alagang Katrina’ at napakaraming pagkakataon na itong napatunayan sa pagtulong sa lahat ng sektor ng lipunan sa Cagayan, partikular na sa tuwing nananalasa ang kalamidad sa lalawigan.
Samantala, isinusulong din ng kampo ni Ponce-Enrile ang kandidatura ni Perla Tumaliuan, na tatakbo sa pagka-bise gobernadora sa ilalim ng Partido Federal Pilipinas, na pinamumunuan ni presidential candidate Bongbong Marcos.