Pinaalahanan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang publiko na paghandaan ang posibleng pagsasanib-lakas ng mga bagyong ‘Maring’ at ‘Nando.’
Nagsagawa ang NDRRMC ng pre-disaster assessment meeting kung saan sinabi ng weather specialists ng PAGASA na ang pagsasanib ng lakas ng dalawang bagyo ay maaring mangyari sa susunod na 36 oras.
“Pinaaalalahanan ang publiko na mag-ingat, mag-antabay sa ulat panahon, at sumunod sa mga payo ng mga awtoridad ngayong posibleng magsanib sa loob ng 36 oras ang Tropical Storm ‘Maring’ at Tropical Depression ‘Nando’,” ang pahayag ng NDRRMC.
Sinabi pa ni NDRRMC Exec. Dir. Ricardo Jalad na maaring ang mga maapektuhang lugar ay makaranas ng pagbaha at landslide.
Inaasahan na magdudulot ng may kalakasan na pag-ulan sa Eastern Visayas at Dinagat Islands, gayundin sa Bicol Region at sa natitira pang bahagi ng Visayas at Caraga sa loob ng 24 oras.
Makakaranas din ng pag-ulan ang Palawan at Occidental Mindoro dahil sa habagat na apektado din ng bagyong Maring.