Labis na ikinabahala ni Senate Minority Leader Frank Drilon ang 344 percent congestion rate sa National Bilibid Prison (NBP).
Bunga nito, hiniling ni Drilon sa Department of Justice (DOJ) na gumawa ng roadmap para mabawasan ang pagsisiksikan sa mga kulungan.
Aniya maaring ikunsidera na ng DOJ ang matagal nang binabalak na paglipat ng pambansang-piitan dahil lubhang kaawa-awa na ang kondisyon ng mga preso.
“This is the long term solution. I am bringing this because of the present pandemic. Hindi po mga kabayo itong mga nakakulong para matulog ng nakatayo. It is inhuman to have a 344 percent congestion rate given the pandemic,” sabi ni Drilon sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa P26.6 bilyong 2022 budget ng DOJ.
Nabanggit sa pagdinig ng Bureau of Corrections (Bucor) na ang kapasidad ng Bilibid ay 6,435 lamang ngunit sa ngayon ang populasyon ng preso sa pambansang piitan ay 28,545.
Nangako naman si Justice Sec. Menardo Guevarra na bago ang pagtatapos ng administrasyong-Duterte ay may linaw na ng plano na ilipat ang Bilibid.