Makakaranas ng makulimlim na kalangitan na may pag-ulan ang Metro Manila, Calabarzon at Mimaropa Regions ngayon araw dahil pa rin sa epekto ng bagyong ‘Lannie.’
Ayon kay PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 670 kilometro kanluran ng Calapan, Oriental Mindoro.
Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot ng 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na umaabot na 55 kilometro kada oras.
Ito ay kumikilos sa direksyon na kanlurang-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Samantala, may binabantayan na low pressure area (LPA) ang PAGASA at ito namataan sa layong 1,525 kilometro silangan ng Visayas.
Sinabi ni Aurelio may posibilidad na maging ganap na bagyo ang binabantayan nilang LPA at papasok ito sa PAR mamayang gabi.
Sakaling pumasok ito sa PAR at maging ganap na bagyo, ito ay tatawaging ‘Maring.’