Sen. Leila de Lima duda sa ‘goodbye politics’ ni Pangulong Duterte

Pinagdududahan ni Senator Leila de Lima ang sinseridad ni Pangulong Duterte sa pahayag nito na magreretiro na siya sa pulitika.

Base ang pagdududa ni de Lima sa aniya ay madalas na panloloko ng Punong Ehekutibo sa sambayanan.

“Going by Duterte’s perfect 0/10 track record for honesty and truth telling, the announcement of his so-called ‘retirement’ from politics must mean the opposite. Mukhang tatakbo nga,” sabi ni de Lima.

Dagdag pa niya; “Ang tanong: Ano na naman kayang drama at panlilinlang ang pinapakulo ng #DramaKing sa Malacañang?”

Aniya una ay tinanggap ni Pangulong Duterte ang nominasyon sa kanya ng PDP – Laban na tumakbo sa pagka-pangalawang pangulo at pumirma pa ito ng kanyang Certificate of Nomination and Acceptance.

Makalipas ang isang linggo, umatras si Pangulong Duterte at sa halip ay inindorso niya si Senator Christopher Go.

“Kahit na lang sa pag-file ng certificate of candidacy, binubudol-budol pa ni Duterte ang sambayanan. Kunwari hindi tatakbo, kunwari nagpapapilit. Bumenta na ‘yan. Hindi karnabal ang eleksyon na pwedeng paglaruan ulit at kenkoyen ang mga Pilipino,” ayon pa sa senadora.

Maging ang ilang political analysts ay nagdududa sa pahayag ng Punong Ehekutibo dahil sa ginagawa niya noong 2015 nang bigla itong kumandidato sa pagka-pangulo matapos sabihin na wala siyang balak na pamunuan ang bansa.

Read more...