Sinuportahan ni Senator Nancy Binay ang panawagan ng mga lokal na pamahalaan sa labas ng Metro Manila na magkaroon ng pantay na distribusyon ng COVID 19 vaccines.
“I appeal to the national government to heed the cry for help of our local chief executives outside NCR for them to have a share of the vaccines that are coming in,” sabi nito.
Aniya kung totoo ang pahayag ng gobyerno na naresolba na ang isyu sa suplay ng bakuna ang dapat na susunod na gagawin ay ang pagpapada ng mga ito sa mga lalawigan, na naghahabol sa bilang ng kanilang mamamayan na nabakunahan.
Una nang inanunsiyo ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., na sa susunod na buwan maaring aabot na sa 100 million doses ang naipasok sa bansa at higit sa kalahati nito ay naiturok na.
Puna ni Binay, may mga lugar na naghahanda na sa pagbakuna sa mga menor de edad at general public gayung may mga lokal na pamahalaan na hindi pa natatapos ang pagbakuna sa kanilang A1 hanggang A3 priority groups.
“Hindi nararamdaman ng mga nasa probinsya na sapat na ang supply ng bakuna dahil maraming hindi pa nabakunahan, o ‘di kaya ay patuloy na naghihintay ng second dose nila,” sabi pa ni Binay, na umapila na dapat ay madaliin ang pagpapadala ng mga bakuna sa mga probinsiya.