Nangangamba si Senator Sherwin Gatchalian sa posibilidad na magkaroon ng ‘midnight deal’ sa pagitan ng gobyerno at Shell Phils Exploration para sa pagpapalawig ng service contract ng Malampaya project.
Ito ay kaugnay sa pagbenta ng interes ng Shell sa proyekto kay Dennis Uy ng Udenna Corporation.
Kinuwestiyon ni Gatchalian ang bilis ng negosasyon gayung hindi pa ginarantiyahan ng Department of Energy na mapapalawig ang operasyon ng Shell sa Malampaya.
“Hindi talaga maiaalis sa isip na baka magkaroon ng midnight deal dahil 2016 pa lang gusto na itong i-renew ng Shell,” sabi ng namumuno sa Senate Committee on Energy.
Ipinagtataka din niya na sa pagpasok sa eksena ng grupo ni Uy ay biglang bumilis ang negosasyon.
Una na rin nagpahayag ng kanilang labis na pag-aalala ang ilang senador sa pag-apruba ng gobyerno sa negosasyon sa gas field project kasama na ang 70-30 royalty sharing na pabor sa gobyerno.