Muling hiniling ni Senator Christopher Go sa gobyerno na pag-isipan ang pagbibigay ng mga insentibo sa mga fully vaccinated.
Ito aniya ay para mahikayat ang mga may pagdududa at pangamba pa rin sa COVID 19 vaccines na magpaturok na ng proteksyon kontra sa nakakamatay na sakit.
“Pag-aralan rin po dapat nang mabuti ang pagbibigay ng insentibo sa mga bakunado tulad ng mas maluwag na mga patakaran. Maaaring pwede na sila kumain at pumasyal sa labas, makatrabaho, at makagalaw nang wala masyadong restrictions,” aniya.
Dagdag pa ni Go; “Para rin po ma-enganyo at tumaas ang vaccine confidence. ‘Yung mga pribadong sektor, may sarili ring mga inisyatibo tulad ng pagbibigay ng discounts. Welcome po ang lahat ng ito.”
Ginawa ng senador ang pahayag kasunod na rin ng pagpayag ni Pangulong Duterte na masimulan na ang pagbakuna sa general population simula sa susunod na buwan.
Kasabay na rin ito nang pagdating at inaasahan na pagdating pa ng mga karagdagang COVID 19 vaccines sa bansa.