Lumusot sa Senado ang resolusyon na layon bigyang-pugay ang mga doktor sa bansa dahil sa kanilang mga sakripisyo ngayon nakakaranas ang bansa ng matinding pandemya.
Inaprubahan ang Senate Resolution No 916 kahapon, Setyembre 27, kasabay nang paggunita sa National Physician’s Day.
Isinulong ang naturang resolusyon nina Sens. Sonny Angara, Richard Gordon, Juan Miguel “Migz” Zubiri, Nancy Binay, Joel Villanueva at Sherwin Gatchalian.
Paliwanag ni Angara, ito ay pagkilala at pagsaludo sa mga doktor dahil sa ipinapakitang tapang sa paggamot sa mga may-sakit ngayon may pandemya at hindi alintana ang panganib na sila ay mahawa din ng nakakamatay na sakit.
“Our healthcare workers have not only served as vanguards to our health and well-being, they have become beacons of hope—reminding us that through perseverance, commitment, and hardwork, not to mention the proper skills and knowledge—a path out of this pandemic and back to normalcy can be forged,” sabi pa ni Angara.
Umaasa din aniya silang mga senador na sa pamamagitan ng resolusyon ay maibibigay sa mga doktor ang natatanging pagkilala sa kanilang mga ginagawa, maging ang mga tulong na kanilang kinakailangan.