Nais ni Senator Lito Lapid na magkaroon ng karagdagang benepisyo ang mga manggagawa sa tuwing may pandemya.
Naghain ng panukala si Lapid para magkaroon ng 28 quarantine leave benefits kada taon ang mga empleyado, sa pampubliko at pribadong sektor.
Ang quarantine leave ay ibibigay sa empleyado, anuman ang kanyang employment status at ibibigay kapag siya ay nagkaroon ng exposure sa nakakahawang sakit o delikadong kemikal na nangangailangan ng quarantine.
“Napakahirap at delikado ng panahon natin ngayon pero marami pa rin sa atin ang sumasabak sa panganib para lamang makapagtrabaho. Pero ang masaklap para sa ating mga masisipag at matatapang na manggagawa, oras na tamaan sila ng sakit gaya na lamang ng COVID-19, ‘di lamang sila gagastos sa pagpapa-ospital at pagbili ng gamot, ang ilan pa sa kanila ay walang sweldong matatanggap o nauubos ang leave dahil kanilang mag-quarantine,” katuwiran ni Lapid.
Ang ibabayad sa quarantine leave ng empleyado ay maaring singilin ng kumpaniya o ahensiya sa Social Security System (SSS) o Government Service Insurance System (GSIS).