Naniniwala si Senator Christopher Go na may ilang programa sa higher education institutions (HEIs) ang maari na ring makapagsagawa ng limited face-to-face classes.
Ito aniya ay maaring gawin simula sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Pagdidiin lang niya, kinakailangan lang na sundin ang mga utos at payo ng mga eksperto sa mga paraan para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.
“Sa lahat ng hakbang na ginagawa ng gobyerno, palagi nating inuuna ang pagprotekta sa buhay ng mga Pilipino. Bagama’t sinusubukan nating dahan-dahang bumalik sa normal ang pamumuhay, ang pangunahing konsiderasyon natin ay ang kapakanan ng mga tao lalo na ang kabataan,” diin ng senador.
Aniya, kailangan lang na mas maging malinaw ang protocols na magsisilbing gabay sa mga awtoridad sa pagdedesisyon kung paano isasagawa ang limitadong pagbabalik eskuwelahan.
Naniniwala si Go na may seryosong epekto sa kalidad ng edukasyon na nakukuha ng mag-aaral sa online learning system, partikular na ang mga nasa engineering and technology, hotel and restaurant management, tourism or travel management, marine engineering, marine transportation, medical internship, at clinical training.