Halos 5,000 manggagawa sa Metro Manila, nakatanggap ng ayuda mula sa DOLE

Nakatanggap ng ayuda ang halos 5,000 informal sector worker sa Metro Manila mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Nagkakahalaga ng P59,183,722 ang ibinigay na ayuda ng DOLE-National Capital Region sa 5,000 benepisyaryo sa ilang parte ng Metro Manila noong Martes, September 21.

Pinangunahan ni Labor Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello III ang pamamahagi ng ayuda sa Pasay City. Kabilang sa mga ibinigay ay bicycle units, livelihood grants, at emergency employment wages.

Sa ilalim ng BikeCination Project ng DOLE, nakatanggap ang mga benepisyaryo mula sa 16 lungsod at isang munisipalidad sa NCR ng bicycle units at mobile phone na may load cards para sa kanilang food delivery start-up na nagkakahalaga ng kabuuang P21,177,522.

“Through these bicycle units, we aim to provide alternative source of income to informal sector workers or their next of kin under the A4 category who have completed their vaccine against COVID-19. This is one incentive to encourage our workers to get vaccinated and to help in the country’s fight against this pandemic,” pahayag ng kalihim.

Sa ilalim naman ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program, nasa 3,551 informal sector workers mula sa Marikina, Pateros, Mandaluyong, San Juan, Pasig, at Manila ang nakatanggap ng temporary employment at tatanggap ng sweldo.

330 beneficiaries din ang nakatanggap ng livelihood grants na nagkakahalaga ng P2,569,570 sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program.

Kasama sa mga benepisyaryo ang 250 miyembro ng Alyansa ng mga Nakakatanda sa Komunidad, Inc. para sa kanilang food bank project na nagkakahalaga ng P970,000; 60 babaeng OFW returnees na miyembro ng Development Action for Women Network Inc. para sa kanilang sewing at pattern making project na nagkakahalaga ng P999,570; at 20 beneficiaries ng Negosyo sa Kariton (NegoKart) na nagkakahalaga ng P600,000.

Paalala naman ni Bello, “Huwag kayong magpasalamat sa amin dahil ang mga ayudang ito ay pera ninyo. Sabi ni Presidente ang pera ng DOLE, pera ng tao. Kaya ang dapat ay ibigay ang pera sa mga tao. Iyong ibinigay namin sa inyo pangalagaan ninyo, gamitin ninyo sa tama.”

Read more...